Susubukan ko ngayon na magsulat sa sariling wika sapagka’t trip kong sumali sa lingguhang meme ng mga bongga ka day na mga blogistang-litratista ng Litratong Pinoy! Aaminin ko na ang pangunahing atraksyon sa akin ng pagsali dito ay ang pagkakataon na magsulat muli sa Pilipino. Mas madaling magsalita kesa magsulat ng katutubong wika, di ba? at mahirap magsulat kung di mo man lang ito pina-praktis at ang gusto mo lang ay haypalutin na Ingles. Kaya samahan nyo po ako sa aking munting ensayo at talakayin ang tema ng LP ngayong linggo na ito na pinamagatang “madumi.”
Nakakapagtaka. Halos tatlong libo na rin ang mga larawang kuha ko sa Flickr, pero wala akong maisip na litratong aakma sa temang ito. Naisip ko tuloy na dapat yata ay magising na ako sa katotohanan at hindi na lang puro kagandahan ng buhay ang kunan.
Halimbawa: nandiyan naman ang mga barung-barong, ang kaawa-awang kalagayan ng Pasig River o di kaya ang mga gusgusing nilalang na nagpapalimos sa atin sa Maynila. Bakit kaya karamihan sa mga blogistang tulad ko ay puro masasarap na pagkain at magagandang tanawin na lang ang kinukunan? Hindi ba form of self-denial ito, o shying away from reality kaya? Muni-muni mode on!
Pagkain na naman ang naisip ko pag pinag-usapan ang “madumi” at yan ay ang street food!Wala nang ibang madumi na masarap di ba?


